Negosyanteng Tsinoy, asset ng militar itinumba ng NPA

Isang negosyanteng Tsinoy at isang intelligence asset ng militar ang kapwa nasawi makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) hitsquad sa dalawang magkakahiwalay na insidente ng madugong pananambang sa lalawigan ng Eastern at Northern Samar, ayon sa ulat kahapon.

Sa bayan ng Oras Eastern Samar, tinatayang limang armadong kalalakihan ang bumaril sa biktimang si Jimmy Go, 43, isang negosyanteng Tsinoy sa Brgy. San Eduardo. Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinamatay.

Batay sa report, bandang alas-5 ng hapon habang ang biktima ay naglalakad sa nasabing lugar sakay ng kanyang service vehicle nang harangin ng mga suspek na lulan ng isang owner-type jeep sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Pangudtan, Oras.

Apat sa mga suspek ang nagsibaba sa kanilang behikulo habang ang isa pa ay nagsilbing lookout.

Walang sabi-sabing bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga suspek ang biktima na duguang napalugmok at ilang saglit pa ay binawian ng buhay.

Samantala sa Lobos, Northern Samar, pinaslang naman ng mga pinaghihinalaan ring suspek ang informer na si Dominador Hinanda matapos ratratin ng tatlong armadong suspek habang naghihintay ng masasakyan sa kahabaan ng national road sa Brgy. San Isidro nitong bisperas ng Kapaskuhan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments