Sinabi ni P/Sr. Supt. Abelardo Villacorta, police intelligence director sa Region 12 na pinalaya na si Martina Martin, 33 sa Brgy. Sinsilan, Pigkawayan sa pagitan ng alas-2:30 hanggang 3:30 ng hapon sa pamamagitan ng pakikipagnegosasyon ng regional director at Armys 6th Infantry Division.
Ayon sa ulat, si Martin ay dinukot ng limang armadong kalalakihan noong nakaraang Nobyembre 4, 2001 sa Libungan public market sa Poblacion may 40 kilometro ang layo mula sa Cotabato City.
Ang grupo ng Pentagon ang pinaniniwalaang dumukot sa biktima na pinamumunuan ni Tahir Alonto at nauna nang humingi ng halagang P10 milyon ransom bilang kapalit ng kalayaan ni Martin.
Si Martin ay pinalaya makaraan ang dalawang linggong negosasyon ng walang ibinigay na ransom at dahil na rin sa natutunugang napapaligiran na ang pinagkukutaan ng Pentagon kidnap gang ng tropa ng militar at pulisya.
Nabatid naman kay Major Julieto Ando, spokeman ng Armys 6th Infantry Division na unang ibinigay ang biktima sa mga operatiba ng Armys 38th Infantry Battalion bago ibigay sa mga ahente ng intelligence ng Region 12 police.
Sinabi pa ni Ando na si Martin ay kasakuluyang dinala na sa Davao City upang isailalim sa medical examination.(Ulat nina John Unson at Roel Pareño)