Praning na mister minasaker ang misis at anak

TIAONG, Quezon – Dahil sa sobrang kalasingan sa alak, pinagbabaril ng isang hepe ng barangay tanod ang kanyang mag-ina na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang 17-anyos na anak at malubhang pagkakasugat ng misis nito sa Barangay Lagalag sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre 9MM sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Emman de Laloya, samantalang kasalukuyang ginagamot sa United Doctors Hospital sa Lucena City ang kanyang inang si Vilma, 41. Sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay nadakip agad ang suspek na si Hermilio de Laloya, 43, ng nasabing barangay.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, alas-11:45 ng gabi nang dumating sa kanilang bahay ang suspek na noo’y lango sa alak. Kinompronta umano ni Vilma ang kanyang asawa hanggang sa mauwi iyon sa mainitang pagtatalo.

Dahil sa sobrang kalasingan ay nagdilim ang isip ng suspek at binunot nito buhat sa kanyang beywang ang isang kalibre 9MM at pinaputukan ng isang beses ang kanyang misis na tinamaan sa kanang bahagi ng dibdib.

Tinangkang awatin ng nasawing biktima ang kanyang nagwawalang ama subalit siya naman ang pinagbalingang barilin ng sunud-sunod ng huli hanggang sa ito ay duguang bumulagta sa sahig ng kanilang bahay.

Naghahanda na sa kanyang pagtakas ang suspek nang masakote ng mga tauhan ni Supt. Felimon Cruzado. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments