2 killers ng trike driver hinatulan ng habambuhay

CABANATUAN CITY – Hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) noong nakaraang Biyernes ng habambuhay na pagkakulong ang dalawang lalaki makaraang mapatunayang pumatay sa isang trike driver noong Pebrero 1999 sa Brgy. Obrero ng lungsod na ito.

Sa ipinalabas na desisyon ni Judge Feliciano V. Buenaventura, pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo ang mga akusadong sina Roberto Pebrero, alyas Obet at Marcelo F. Gagarin na kapwa residente ng Brgy. Sta. Lucia, Nueva Ecija.

Samantala, ang pangatlong akusado naman na si Gilbert B. Santiago, alyas Pidyo ay kasalukuyan pang nagtatago sa batas.

Bukod sa hatol na habambuhay ay pinagbabayad din ang mga akusado ng halagang P65, 000 bilang danyos perwisyo sa mga naulila ng biktimang si Larry J. Garcia.

Base sa record ng korte, positibong itinuro ng mga saksi na ang tatlong akusado ang pumatay at tumangay ng tricycle ng biktima.

Kaagad naman nadakip ang dalawa makaraang bumangga sa poste ang minamanehong ninakaw na tricycle mula sa biktima sa San Cristobal, Licab, Nueva Ecija na ang isa ay suot pa ang jacket ni Garcia. (Ulat ni Christian Ryan Sta.Ana)

Show comments