Sa siyam na pahinang desisyon ni RTC Judge Gregorio S. Sampaga ng Branch 78, pinatawan ng parusang kamatayan si Pedrito Fernandez dahil sa pagpatay sa kanyang kumpareng si Efren Gatdula sa Maunlad Homes Subdivision sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan noong Mayo 4, 1997.
Bukod sa hatol na kamatayan sa akusado ay pinagbabayad din ito ng halagang P.1 milyon bilang danyos perwisyo sa mga naulila ng biktima.
Base sa record ng korte, nag-ugat ang krimen sa nabanggit na barangay makaraang pakialaman ng biktima ang karaoke na ginagamit ng akusado hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo bago umalis si Fernandez.
Dahil sa napahiya ang akusado sa mga kainuman ay binalikan nito ang biktima upang gumanti.
Hindi kinatigan ng korte ang naging depensa ng akusado na self-defense dahil sa may dalawang saksi sa krimen na binalikan nito ang biktima upang patayin. (Ulat ni Efren Alcantara)