6 pang bangkay ng MNLF rebels natagpuan

Anim pang naaagnas na bangkay ng Misuari Renegade Group (MRG) na kabilang sa napatay sa bakbakan ang magkasunod na narekober sa dalawang barangay sa Sulu kamakalawa.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, nabatid na apat sa mga bangkay ay natagpuan sa liblib na barangay sa bayan ng Talipao habang ang dalawang iba pa ay nadiskubre naman sa Indanan, Sulu.

Kasalukuyang sinusuyod ng mga tauhan ng Phil. Army ang liblib na lugar sa Talipao, Sulu nitong Biyernes ng hapon nang matagpuan nila ang isang mababaw na libingan. Agad na nagtungo ang mga kawal sa nasabing lugar at natagpuan nito ang bangkay ng nasabing mga renegades MNLF.

Nagpapatuloy pa rin ang military operation laban sa nalalabi pang mga loyalista ni Misuari sa paglalayong makumbinsing sumuko ang may 150 pang MNLF na sangkot sa paglusob sa Cabatangan Complex sa Zamboanga City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments