Batay sa report na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, unang nasabat ang apat na pinaghihinalang tagasunod ni Misuari at umano ay kasama sa 200 armadong rebelde na nang-hostage ng mga residente sa ilang villages sa Zamboanga City.
Ang apat na suspek na hindi muna ibinunyag ang mga pangalan ay nadakip ng mga elemento ng Armys 59th Infantry Battalion bandang alas-7:45 ng umaga sa may bisinidad ng Km 7, Pasonanca ng nasabing lungsod habang patungo umano ang mga ito sa daungan para sumakay sa isang pampasaherong bangka na tatahak papuntang Jolo, Sulu.
Itinanggi ng mga ito na sila ay kabilang sa mga nang-hostage, subalit napuwersa ring umamin na kaanib sila ng puwersa ni outgoing ARMM Governor Nur Misuari na kasalukuyang nakakulong sa Malaysia matapos makumpiskahan ng mahahalagang dokumento at mga armas.
Nasamsam sa mga ito ang dalawang M16 rifles, isang M14 rifles, mga eksplosibo at sari-saring mga bala.
Kaugnay pa rin nito, dalawa pang kasapi ng Misuari renegades group ang nadakip habang nagsasagawa ng clearing operation ang tropa ng militar sa Brgy. Cabatangan Complex.
Kinilala ang mga itong sina Ibnar Hussin at Binsus Abubakar na parehong isinasailalim sa masusing tactical interrogation.
Samantala bunga pa rin ng tensiyon, nagpasiya naman ang mahigit 2,000 pamilya na manatili sa 11 evacuation centers na nangangamba pa rin na madamay sa pagsiklab ng karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)