11 habambuhay hinatol sa rapist na lolo

MALOLOS, Bulacan – Pinatawan ng korte ng labing-isang habambuhay na pagkakulong ang isang 70-anyos na rapist na lolo makaraang napatunayang gumahasa ng may ilang ulit sa kanyang 15-anyos na inaanak noong Marso hanggang Nobyembre 1997 sa Sitio Paniki, Brgy. San Jose, Bulacan, Bulacan.

Sa 11-pahinang desisyon ni Bulacan RTC Judge Gregorio Sampaga ng Branch 78, bukod sa ipinataw na kaparusahan sa akusadong si Herminio Roque ay pinagbabayad pa ito ng halagang P.1 milyon sa biktima bilang danyos perwisyo.

Base sa rekord ng korte, isinagawa ang maitim na balak ng akusado ng may 11 beses magmula noong Marso hanggang Nobyembre 1997 sa magkakaibang petsa sa pagitan ng alas-2 ng hapon hanggang alas-3 habang ang biktima ay nag-iisa sa kanilang bahay.

Hindi naman kaagad nakapagsumbong ang biktima sa mga awtoridad dahil sa pagbabanta ng akusado sa kanyang buhay. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments