Bodega ng evacuees pinasabog ng 'Pentagon'

Pinasabog ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom (KFR) group ang isang bodega na pinagkakanlungan ng mga evacuees na lubhang naapektuhan sa isinasagawang military operation laban sa mga kidnappers ni Italian priest Fr. Giusepi "Beppe" Pierantoni sa Cotabato.

Sa inisyal na ulat mula sa Camp Crame, nabatid na naganap ang insidente dakong ala-una ng madaling-araw sa Buisan bodega sa Brgy. Batulawan, bayan ng Pikit.

Ayon sa ulat, isang Mrs. Salanay Sampulna, 40, may asawa, ng Brgy. Bulol, Pikit at isa sa evacuees sa naturang bodega ang kumpirmadong nasugatan sa insidente matapos na magtamo ng shrapnel wounds.

Kasalukuyan umanong natutulog sa bodega ang ilang mga evacuees nang mangyari ang insidente.

Hindi pa agad madetermina kung may nangyayaring sagupaan sa pagitan ng militar at grupo ng mga elementong kriminal malapit sa nasabing bisinidad bago mangyari ang insidente o kagagawan lamang ito ng ilang grupo na nais maghasik ng karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments