Sa isang phone interview, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, sa kabila ng sorpresang pag-atake ng puwersa ng Misuari ay kontrolado ng militar ang sitwasyon sa lalawigan.
Si Villanueva ay kasalukuyang nasa Zamboanga City upang magsuperbisa ng operasyon ng militar laban sa grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Basilan nang maganap ang pag-atake.
Nabatid na sa apat na nasawing sundalo ay kabilang rito ang dalawang opisyal habang sa 27 nasugatan isa rito ang kinilalang si Lt. Col. Macalintal, Executive Officer ng inatakeng 104th Brigade ng Phil. Army sa Jolo, Sulu.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, dakong 8:10 ng umaga kahapon nang bombahin ng tinatayang 100 hanggang 200 tauhan ng paksiyon ni Misuari ang 104th Brigade sa Busbus, Jolo, Sulu.
Sinabi ni Adan na ikinagulat ng mga tauhan ng militar na nagbabantay sa frontal defense post ng nasabing himpilan ang isinagawang sorpresang paglusob ng mga rebeldeng MNLF kung saan ay mabilis na nagdepensa ang 104th Brigade na pinamumunuan ni Col. Romeo Tolentino.
Ayon pa sa ulat ng militar na pinaatras din ng mga tauhan nina Misuari at Kumander Robot ang may 21 MNLF regular troops integrees papalabas ng nabanggit na kampo.
Sinabi pa ni Servando na inalerto na niya ang may 4,000 sundalo upang paghandaan sa nakaambang sagupaan sa nabanggit na lugar.
Kinimpirma rin ni Servando na nakipagsabwatan si Misuari sa mga bandidong Abu Sayyaf upang maghasik ng karahasan dahil sa nalalapit na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) elections.
Kaugnay nito, sinabi ni Adan na inilagay na rin ng AFP Southern Command ang lahat ng operating units nito sa ilalim ng red alert status matapos na makatanggap ng ulat na magsasagawa ng serye ng pag-atake ang grupo ni Misuari.
Kasunod nito, pinasuspinde naman ni City Mayor Maria Clara Lobregat ang mga klase mula elementary at secondary levels.
Pinatigil na rin ang paglalayag ng mga pampasaherong barko patungo at palabas ng Jolo, Sulu.
Nabatid naman kay Jamasali Abdhurakman, isa sa mataas na opisyal at kumander ng MNLF central committee na pinakilos na ni Misuari ang may 50, 000 MNLF members kabilang na ang 2,000 MNLF integrees na kasapi sa Jolo Army Brigade upang magsagawa ng pambobomba sa nabanggit na lalawigan.
Habang sinusulat ang balitang ito ay posibleng may maganap na madugong sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at miyembro ng MNLF na ang apektado ay mga sibilyang naninirahan sa nabanggit na bayan. (Ulat nina Joy Cantos, Roel Pareño at Rose Tamayo)