Ito ang mariing inihayag kahapon ni Acting Defense Secretary Edgardo Batenga bilang sagot sa kahilingan ng Office of the Muslim Affairs na magdeklara ang gobyerno ng ceasefire sa panahon ng Ramadan na nag-umpisa kahapon na tatagal hanggang Disyembre 15 ng taong ito.
Ayon kay Batenga, isang buwan ang itatagal ng banal na pagtitika ng lipi ng mga Muslim kung saan mayroong posibilidad na samantalahin ito ng mga bandidong Abu Sayyaf para magpalakas ng puwersa at makapaghasik pang muli ng karahasan ang grupong ito na hindi miminsang lumabag sa itinatadhana ng relihiyon nilang Islam.
Idinagdag pa ng opisyal na tukoy na ng mga pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang lugar na kinikilusan ng mga bandido kayat masasayang lamang ang opensiba kung magkakaroon ng pagtigil sa operasyon.
Maging si Sayyaf Spokesman Aldam Tiglao alyas Abu Sabaya ay humiling sa militar na itigil ang operation subalit binalewala ito ni AFP Southcom Chief Lt. Gen. Roy Cimatu dahilan sa matagal ng karanasan sa katrayduran ng mga bandido. (Ulat ni Joy Cantos)