Sinabi ni Villar sa kanyang lingguhang press conference na higit siyang naniniwala na bahagi ito ng destabilization effort laban sa Arroyo administration ng mga tinaguriang rightists.
Ayon kay Villar, batid niyang malaking dagok ito sa panig ng ekonomiya ng bansa at magsisilbing panakot ito sa mga dayuhang mamumuhunan ngunit dapat agad na lutasin ito ng mga awtoridad bago pa ito lumala.
Nais lamang anyang iligaw ng mga suspeks sa mga serye ng pambobomba ang mga awtoridad sa pamamagitan ng paghahayag na sila ay kasapi ng New Peoples Army (NPA) ngunit sa katotohanan ay mga makakanan ang grupo na siyang responsable sa pag-atake.
Maging ang kidnapping anya na naganap kamakailan lamang sa Mandaluyong City ay naniniwala siyang pakana ito ng mga makakanan na bukod sa kanilang pagkakakitaan, maisusulong pa ang destabilization effort laban sa kasalukuyang pamahalaan. (Ulat ni Rudy Andal)