9 katao nasagip sa 4 na motor boat na tumaob

Tinatayang umaabot na 9 katao ang iniulat na nasagip, habang anim na iba pa ang nawawala makaraang tumaob ang apat na motor boat sa kalagitnaan ng Tablas Island, Romblon, kamakalawa ng hapon, ayon sa Philippine Coast Guard Action Center.

Base sa natanggap ng report ni PCG Information Officer Lt. Arman Balilo, na ang apat na motor boat na tumaob ay ang M/B RX; M/B Carvin-2; M/B Manuel at MBCA.

Nakilala ang mga nasagip na sina Melvin Royo; Lemuel Gado; Gerald Royo; Ramon Reloy Jr., Aldiovin Royo; Manny Madeja; Manny Maso, Ernesto Mortos at Ruben Mallorca na ngayon ay nasa pangangalaga ng M/V Princess Negros.

Samantalang ang mga nawawala ay nakilalang sina Ramon Reloy Sr. Jr., Manny Reloy Sr., Ramon Martino, Elvira, Anthony Reloy at Orlando Melendrez.

Ayon sa ulat, na naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon, sa kalagitnaan ng Barangay Maria at Barangay Alad Island, Romblon.

Nabatid na ang mga pasahero ay galing sa Brgy. Agpanabat nang masalubong ng mga ito ang dambuhalang alon sa kalagitnaan ng karagatan na nagresulta sa pagkakataob ng mga bangka dahil sa bagyong Nanang.

Patuloy namang nagsasagawa ng rescue & search operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa karagatan ng Tablas Island, Romblon. (Ulat nina Ed Amoroso at Ellen Fernando)

Show comments