Flashflood: 56 patay, 103 nawawala sa Camiguin Island

Limamput-anim katao ang kumpirmadong nalunod habang may 103 pa ang nawawala makaraang salantahin ng malawakang flashflood bunga ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa coastal village sa Mahinog, Camiguin Island kahapon ng madaling araw.

Sa sketchy report na nakarating kahapon sa tanggapan ni Office of Civil Defense Administrator ret. Major General Melchor Rosales kasalukuyan pang bineberipika ang pagkakakilanlan sa mga biktima ng flashflood sa Region 10.

Ayon sa inisyal na ulat na natanggap mula sa lokal na tanggapan ng OCD sa Camiguin, nabatid na nagkaroon ng malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Nanang na nagbunsod sa flashflood dakong ala-1 ng madaling araw kung saan ay grabeng sinalanta ang Brgy. Hubangan sa bayan ng Mahinog.

Sinabi ni Olive Luces ng OCD na mabilis ang naging pagtaas ng tubig baha sa nasabing barangay bunga ng malalakas at walang humpay na pag-ulan sa nasabing lugar na ikinasawi ng limamput-anim katao at pagkawala ng sandaan at tatlo pa na pinaniniwalaang tinangay ng tubig baha.

Mabilis na inilikas sa matataas na lugar ng mga nagrespondeng search and rescue team ng lokal na pamahalaan at ng mga kinatawan ng OCD ang mga residente na naapektuhan ng flashflood. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments