Motorsiklo vs jeep: 3 patay

BOCAUE, Bulacan – Tatlo katao ang kumpirmadong nasawi makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima sa isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Biñan 2nd, sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Jerry Mendoza, 26, binata; Eugenio Quibral, 40, binata at William Villanueva, 32, may asawa na driver ng motorsiklong Yamaha na walang plaka.

Ang mga biktima ay pinaniniwalaang mula sa isang hindi nabatid na kasayahan dahil sa amoy alak pa ang mga ito ng matagpuan ng mga awtoridad.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang pangyayari bandang alas-9:30 ng gabi makaraang mawalan ng kontrol ang minamanehong motorsiklo ng mga biktima at sumalpok sa kasalubong na jeep na may plakang CVT-292 na minamaneho ni Ariel Ret, 35, may asawa ng Guiguinto, Bulacan. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments