4 miyembro ng Sayyaf napatay sa engkuwentro

Apat na bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay kabilang ang isang sub-commander na may patong sa ulong 1 milyon habang dalawa pa ang nasakote matapos na muling makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Basilan kamakalawa ng gabi at kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawing opisyal ng Abu Sayyaf na si Commander Ali Malabo, may reward na P 1 milyon. Ang isang nasawing bandido ay nakilala namang si Jafar Alfa na may pabuya namang P150,000.

Sinabi ni AFP Southern Chief Lt. Gen. Roy Cimatu na ang dalawa ay napaslang pagkaraan ng mainitang pakikipagsagupa sa tropa ng mga sundalo sa Upper Manggas sa Lantawan, Basilan, dakong alas-9 ng gabi noong Miyerkules.

Bandang alas-5:20 naman ng umaga kahapon nang malambat ng operatiba ng Army’s 18th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Danilo Lucero ang isa pang grupo ng mga bandido sa pamumuno ni Commander Suhod Tanajin sa Tipo-tipo na ikinasawi ng dalawa sa panig ng mga kalaban na kapwa beneberipika pa ang pagkakakilanlan.

Kaugnay nito, dalawa pang tauhan ng Abu Sayyaf ang nadakip ng militar sa Isabela City na kinilalang sina Hakibula Sahibul at Ibrahim Rasul. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments