Trader na nagpanggap na pulis tiklo habang nagre-repack ng shabu

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang negosyante na nagpapanggap na pulis ang dinakip ng mga operatiba ng Regional Anti-Crime Monitoring Office 4 habang nagre-repack sa loob ng inuupahang hotel sa Calamba City kahapon.

Kinilala ni Chief Supt. Domingo Reyes Jr., PRO4 Regional Director ang pekeng pulis na si Fernan Isidro, alyas Dy, may-asawa at nakatira sa Callejon 9, Phase 2, Villa de Calamba ng nasabing lungsod.

Nasamsam sa suspek buhat sa kanyang tinutuluyang hotel ang 31 gramo ng shabu buhat sa anim na plastic na sachet, isang 9mm pistol at pekeng ID ng pulis na may pangalang SPO3 Isidro.

Dinakip ng mga operatiba si Isidro sa loob ng Montreal Hotel habang nagre-repack ng shabu dakong alas-11:20 ng umaga.

Ayon kay Reyes, ang pagdakip sa suspek ay bunga ng pakikipagtulungan ng isang room boy sa naturang hotel makaraang mamataan nito ang ginawang pagre-repack ng shabu ng suspek.

Kasabay nito pinaimbestigahan ni Reyes kay Supt. Igmidio Cruz Jr. Chief ng Regional Anti-Crime Monitoring Office kung saan nakakuha ng pekeng ID ng pulis ang suspek na ginagamit nito sa kanyang drug operation. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments