Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sixto Mona, 60 at asawa nitong si Yolanda, 51, pawang mga residente ng Barangay Dilan, Mutia, Zamboanga del Norte.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nakilala ang suspek na si Remy Mona, residente din ng nasabing lugar at isang malapit na kaanak ni Sixto. Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang ginawang pagpaslang sa mag-asawa at ngayoy pinaghahanap ng mga awtoridad.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, naganap ang krimen dakong ala-1 ng madaling araw habang natutulog ang mag-asawa sa kanilang kuwarto.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid ng mga awtoridad na away sa pamilya at paghihiganti ang motibo ng pagpaslang sa mag-asawa at kasalukuyang inaalam pa kung totoo ang mga balitang dahil sa pera kung kaya pinatay ng suspek ang kanyang mga kaanak. (Ulat ni Joy Cantos)