4 patay sa Zamboanga flash flood

Apat katao ang iniulat na nasawi matapos na malunod samantalang mahigit sampung barangay sa Zamboanga City ang lumubog sa tubig baha matapos salantain ng flashflood bunga ng walang humpay na pagbuhos ng ulan simula pa nitong nakalipas na mga araw.

Batay sa ulat na natanggap kahapon ni Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council (NDCC) Chairman Angelo Reyes, kinilala ang mga nasawi na sina Jennifer Marochon, 22, Jesus Marochon, 52, pawang residente ng bayan ng San Roque sa naturang lungsod, Ricky Falcatan, 18 at isang nakilala lamang sa pangalang Mr. Balbuena.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na sinusundo ng biktimang si Jesus ang anak nitong si Jennifer, isang saleslady sa downtown department store sa Zamboanga at habang naglalakad ang mga ito sa tubig baha ay bigla na lamang tinangay ng malakas na agos ang mga biktima. Ang bangkay ng mga ito ay narekober sa Brgy. San Jose Gusu.

Sa ulat ng NDCC, lubog pa rin umano sa tubig-baha ang mga Barangay ng San Jose Gusu, Sinunuc, San Roque, Guiwan, Baliwasan, Tugbungan, Ayala, Pasonanca, Vitali, Curuan, Tumaga, Maasin at ang city proper ng lungsod.

Hanggang sa ngayon umano ay dumaranas pa rin ng malalakas na pag-ulan ang buong Zamboanga City at dine-determina pa rin ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tumpak na bilang ng mga naapektuhang pamilya na inilikas at nawalan ng bahay dahil sa serye ng malakas na pag-ulan na nagsimula noon pang araw ng Lunes.

Muli naman umanong bumalik ang power supply sa ilang apektadong barangay sa lungsod simula pa kamakalawa ng umaga. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments