Anak ng pulis tinodas sa videoke bar

DASMARIÑAS, Cavite – Binaril at napatay ng mga hindi kilalang kalalakihan ang isang graduating student na anak ng pulis habang ang biktima ay nasa loob ng videoke bar sa Brgy. Paliparan 3 ng bayang ito kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ng biktima na si Ronald Guevarra, 23,binata,estudyante ang Phil. College of Criminology (PCCr) at residente ng block 32 lot 4 phase 2 ng nabanggit na lugar.

Samantala, ang mga suspek na hindi kaagad namukhaan ng mga nakasaksi sa pangyayari ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na naganap ang krimen bandang alas-2:30 ng madaling araw habang ang biktima ay umiinom ng alak sa loob ng hindi nabatid na pangalan ng videoke bar.

Sa hindi mabatid na dahilan ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at isa sa kasamahan ng suspek hanggang sa mauwi sa sigawan.

Kaagad na nagbunot ng baril ang isa sa suspek at pinaputukan ang biktima na ikinasawi nito. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments