Lider ng KFR timbog

Bumagsak sa kamay ng mga elemento ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang isang notoryus na lider ng isang kidnap-for-ransom (KFR) gang na responsable sa pagdukot sa isang negosyante sa Quezon City noong 1999 sa isinagawang operasyon sa Visayas Region.

Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame kahapon, iniharap ni PNP-CIDG Chief, P/Director Nestorio Gualberto sa mediamen ang nadakip na KFR gang lider na si Vicente Lugnasin alyas "Biboy", tubong Samar at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Salvacion, Tacloban City.

Ayon kay Gualberto, nadakip ang suspek nitong nakaraang linggo habang lulan ito ng isang Lancer GLX at bumabagtas sa San Juanico Bridge patungong Tacloban City mula Basey, Samar kung saan nakumpiska mula dito ang isang kalibre .45 pistola na baril at dalawang magazines ng bala.

Sinabi ni Gualberto na si Lugnasin ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention ng negosyanteng si Nicassius "Nicky" Cordero noong Abril 22, 1999.

Nahaharap din ang suspek sa serye ng kidnapping, pagnanakaw at pagpatay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, Cavite at iba pang karatig na lalawigan kung kaya ilang warrant of arrest ang inilabas na umano ng iba’t ibang korte laban dito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments