Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza, P30 milyon ransom ang hinihingi ng mga kidnappers para palayain ang negosyanteng si Charlie Ngo, 52, may-ari ng Star Plaza Hotel at residente ng Dior Subdivision, Dagupan City.
Napag-alaman na si Ngo ay hindi na nakauwi ng bahay noong gabi ng Set. 26 at ng sumunod pang mga araw ay isang caller na nagpakilalang kidnapper ang tumawag sa misis at anak nitong lalaki at ipinabatid na dinukot ng kanilang grupo ang biktima.
Kaugnay nito, narekober na rin ng mga awtoridad ang sasakyan ni Ngo sa kahabaan ng national highway ng Moncada, Tarlac.
Samantala, P50 milyon ang demand ng mga kidnappers para palayain ang isa pang negosyante na si Lacqui Rowena Tiu, 28, na kinidnap naman ng tatlong armadong kidnappers noong Set. 27 sa Brgy. Lingsat, San Fernando City.
Sa isinagawang follow-up operations, lumilitaw sa imbestigasyon na ang negosyador ay isang purong Chinese na mahusay magsalita ng Fookien kung saan apat na beses umano itong tumawag sa pamilya Tiu. (Ulat ni Joy Cantos)