Kinilala ni Supt. Danny Ramon Siongco, chief of police sa lungsod na ito ang mga biktima na sina S2RM Randy Duke, S2HM Timoteo Abarosso at SN1 Dennis Blesa na pawang nakatalaga sa Navy Ship PS 19 sa nasabing barangay.
Ang mga ito ay kasalukuyang ginagamot sa Quezon Memorial Hospital dahil sa mga tama ng saksak sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nadakip naman agad ng mga nagrespondeng kagawad ng pulisya at CIDG ang mga suspek na sina Oliver Laura, Michael Mendoza, 27; Noel Minor, 34; Rudy Rivera, 20 at Randy Naval na pawang mga residente ng Barangay Dalahican.
Sa isinagawang imbestigasyon nina SPO4 Fernando Reyes III at SPO1 Renato Pelohello, officers on case, dakong alas-2 ng madaling araw ay tinungo ng mga biktima kasama ang kanilang opisyal na si Lt. Marco Ancheta ang bagong gawang beerhouse upang maghapi-hapi.
Habang nasa loob ng beerhouse ay napuna ng isa sa mga biktima ang baril na nakabukol sa beywang ng isa sa mga suspek na noon ay nag-iinom rin sa nasabing beerhouse.
Sinita umano ng mga navy men ang grupo ng mga suspek subalit imbes na ibigay ang baril ay sinuntok pa umano ng mga ito ang grupo ng una hanggang sa magkaroon ng labu-labo sa pananaksak sa mga biktima. (Ulat ni Tony Sandoval)