Batay sa desisyon ni Judge Gregorio Sampaga ng Malolos, RTC Branch 78, ang mga napatunayang guilty beyond reasonable doubt sa kasong kidnapping with murder ay nakilalang sina Danilo Reyes, Nelson Go. Teodoro Doble, Rodolfo dela Paz, Pablo Añora Jr., Armando Pablo, Diosdado Avila at Josefino Galve, samantalang si Eraño Pablo ay pinawalang-sala dahilan sa kawalan ng sapat na ebidensiya laban dito.
Ayon sa record ng korte, noong nakalipas na Marso 1, 1997, bandang alas-3 ng hapon, hinarang ng mga akusado na lulan ng isang sasakyan ang kotse ng biktimang si Gordon Tan, 21 anyos, binata, at anak ng may-ari ng isang footwear factory, habang ito ay papalabas ng kanilang pabrika sa Guiguinto, Bulacan.
Plano ng mga akusado na kidnapin at ipatubos ng malaking halaga ang biktima, subalit nanlaban at nakatakas ito kaya ito ay binaril at napatay ng mga akusado.
Bukod sa parusang habambuhay na pagkabilanggo, idinagdag din ng korte ang 6 hanggang 10 taong pagkakakulong para naman sa kasong kidnapping, at pinagbabayad din ang mga akusado ng halagang P50,000 para sa naging kamatayan ng biktima at P50,000 naman para sa mga nagastos ng pamilya sa pagdinig ng kaso. (Ulat ni Efren Alcantara)