Bultong shabu na ipupuslit sa bansa nabuko

Napigilan ng mga awtoridad ang plano ng isang big-time drug syndicate na magpasok ng droga sa bansa matapos madiskubre na isiningit ang malaking bulto ng shabu sa 4,000 bags ng smuggled imported na bigas na ipapasok sa Visayas bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Ito ang nabatid kahapon batay sa intelligence report na nakalap ng Anti-Hijacking Task Force ng National Anti-Crime Commission.

Bunga nito, mahigpit ngayon ang ginagawa nilang pagbabantay kasama ang puwersa ng Philippine Navy at Bureau of Customs (BOC) sa mga pier sa nasabing rehiyon.

Ayon sa ulat, isang intelligence information umano ang nagsaad na isang malaking kargamento ng shabu na nakahalo sa mga smuggled na bigas ang ipupuslit ng nasabing sindikato sa isang pier sa Cebu City ngayong buwan.

Iginiit din ng task force na dalawang prominenteng Filipino-Chinese personalities ang nasa likod ng takdang pagpuslit ng mga droga sa nasabing lungsod. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments