2 magsasaka pinatay ng MILF

Dalawang magsasaka ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang grabeng nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Brgy. Upper Libertad, Kauswagan, Lanao del Norte, kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Mamerto Datareg at Mario Giopino, pawang residente ng Brgy. Lapayan sa bayan ng Kauswagan.

Ang dalawang biktima ay kapwa dead on the spot sa insidente matapos na magtamo ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakilala naman ang malubhang nasugatan na si Edilberto Cagarosa na kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pinagdalhan ritong pagamutan sa kabayanan.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, dakong alas-9 ng umaga ng maganap ang insidente sa bisinidad ng nabanggit na lugar.

Kasalukuyan umanong magkasamang naglalakad ang nasabing magsasaka sa masukal na bahagi ng Brgy. Lapayan patungo sa kanilang bukirin ng paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan.

Agad na napuruhan ang dalawang biktima na siyang naging sanhi ng dagliang pagkamatay ng mga ito.

Mabilis namang nagsilayo sa nasabing lugar ang mga salarin na tumahak patungo sa direksiyon ng kagubatan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments