P160-M imported na bigas nasabat

SUBIC BAY FREEPORT – Umaabot sa 200, sako ng imported na bigas ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC) at ng Law Enforcement Division (LED) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Alava Pier sa nabanggit na Freeport, kamakalawa.

Ang libu-libong mga imported na bigas mula sa Thailand ay nagkakahalaga ng P160 milyon at napag-alaman na nakatakdang ibaba ang naturang mga bigas sa Cebu na pag-aari ng isang R & C Agro Trade na nakabase sa naturang probinsiya.

Ayon sa ulat, lulan nang barkong M/V Hung Yen ang mga bigas nang dumaong ito sa Alava Pier sa Subic Freeport at napag-alaman na walang kaukulang dokumento na maipakita sa mga BoC officials.

Ipinag-utos kaagad ni Customs Commissioner Titus Villanueva ang pagkumpiska sa naturang smuggled rice matapos na walang maipakitang import permits mula sa National Food Authority (NFA) ang naturang barko.

Napag-alaman pa na ang ilan sa mga bigas ay nakatakdang dalhin sa bansang Indonesia at Fiji sa Japan. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments