Political leader ng mayor pinatay

GENERAL TRIAS, Cavite – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang political leader ni General Trias Mayor Dencito Campana ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang biktima ay nasa loob ng club house, kahapon ng madaling araw sa Brgy. San Francisco ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Emiliano Quion, alyas Emil, 51, ng Sunny Brooke 2 Subd. ng naturang lugar.

Si Quion na kilalang suporter at lider ni Mayor Campana ng Partido Magdalo ay kasalukuyang chairman of the board ng Sunny Brooke Home Owners Association.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO3 Fortunato Pedraza, may hawak ng kaso, naganap ang pamamaril dakong ala-1:30 ng madaling araw habang ang biktima ay nakaupong mag-isa sa nabanggit na lugar.

Inaalam pa ng pulisya, kung may bahid ng pulitika ang pamamaslang sa biktima. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments