Pulis na drug pusher patay sa barilan

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang miyembro ng pulisya na pinaniniwalaang sangkot sa pagtutulak ng droga ang kumpirmadong napatay makaraang nakipagbarilan sa mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Unit habang nagsasagawa ng operasyon sa bayan ng Torrijos, Marinduque, kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang nasawing pulis na si PO2 Eduardo Pielago na nakatalaga sa Marinduque PPO-Provincial Mobile Group.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya, na bago maganap ang barilan ay namataan ng mga tauhan ni SPO2 Virgilio Murillo si Pielago na kasama ang dalawang umano’y drug pushers na sina Rommel Millar at Rustico Macailao sa Sitio Tibyayong, Brgy. Buangan ng naturang lugar.

Kaagad na sinundan ng grupo ni Murillo ang grupo ni Pielago sa kanilang safehouse upang magsagawa ng drug operation.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, nagpakilala ang grupo ni Murillo sa mga suspek subalit bigla na lamang nagpaputok si Pielago kaya napilitang magpaputok din ang tropa ng DEU na ikinasawi naman ng biktima. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments