Empleyado tinodas ng kainuman

DASMARIÑAS, Cavite – Binaril at napatay ang isang empleyado ng Manila Zoo ng isa sa pitong kalalakihang kainuman ng una dahil sa hindi pagkakaunawaang pagtatalo kahapon ng madaling araw sa Brgy. Paliparan 3 ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Derco Victoria, 43, may asawa ng Blk. 124, Lot 1 Phase 3 ng naturang lugar.

Samantala, dalawa sa pitong suspek na mabilis na naaresto ng pulisya ay nakilalang sina Luisito Yape ng Blk. 128, Lot 1 Phase 3 at Delmar Royol ng Blk 128, Lot 1 Phase 3, habang ang lima pang suspek na ngayon ay pinaghahanap ng pulisya ay kinilalang sina Dante Jamito; Arnel Base; Jenrex Topacion at isang alyas Edmon at Mac-Mac na pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Wency Tubay, may hawak ng kaso, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang nagkapikunan ang biktima at isa sa mga suspek dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagtatalo.

Dahil sa kapwa lango na sa alak ang mga nairitang suspek at biktima ay nagawang barilin ng shot gun sa leeg ni Jamito si Victoria na ikinasawi nito kaagad. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments