Kinilala ni P/Supt. Rolando Macusi, hepe ng pulisya ng bayang ito ang mga biktimang nasawi na sina Maria Berengel, 60, biyuda; Christina Ramos, 40, may asawa; Rex Buroquina, 45, may asawa na pawang mga residente ng Block 25, Lot 5 Barangay Assumption ng naturang lugar at si Conrado Ocura, 45, may asawa ng nabanggit na barangay.
Samantala ang suspek na ngayon ay nakapiit sa PNP detention cell ay nakilalang si SPO3 Emilio Uy, Jr., 47, may asawa ng Block 69, Lot 7 ng naturang lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na naganap ang pangyayari bandang alas-7:30 ng umaga makaraang magkaroon ng mainitang pagtatalo si Ocura at ang suspek habang ang tatlong nasawing biktima ay pinagmamasdan ang dalawang nagsisigawan.
Ayon pa sa nakalap na impormasyon ng pulisya, inutusan ni Ocura ang kanyang anak na batang lalaki na bumili ng kape sa tindahan ng suspek na malapit sa kanilang bahay.
Subalit nagalit ang suspek sa anak ni Ocura dahil sa halagang P2 lamang ang halaga ng kape pero ang iniabot na pera ay P20.00 kaya ito nairita at sinigawan ang bata.
Dito na nagsumbong ang bata sa kanyang ama kaya kinompronta nito ang suspek hanggang sa mauwi sa pamamaril na ikinasawi ng apat katao. (Ulat ni Efren Alcantara)