Trader inambus ng 2 lalaki

BULA, Camarines Sur – Isang negosyanteng lalaki na sakay ng kanyang motorsiklo ang inambus hanggang sa mapatay ng dalawang lalaki kahapon ng umaga sa Brgy. Panoypoyan ng bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Alfredo Pesa, 55, may-asawa, ng Brgy.San Roque, Pili, ng nasabing lalawigan.

Sa ulat ng pulisya, na ang pamamaril ay naganap dakong alas-6 ng umaga habang ang biktima ay sakay ng kanyang motorsiklo upang magtungo sa bayan upang mamili ng mga baka at kalabaw.

Habang binabagtas nito ang kahabaan ng kalye ng nasabing barangay ay pinara ito ng dalawang suspek.

Pagkahinto ng biktima ay agad na ito ay pinagbabaril ng mga suspek na agad nitong ikinamatay dahil sa dami ng bala na tumagos dito.

Tinangay ng mga suspek sa kanilang pagtakas ang pitaka ng biktima na naglalaman ng malaking halaga ng pera at mga alahas. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments