Nagkalasug-lasog ang katawan ng mga nasawing sina SPO1 Beijo Curator; SPO1 Homberto Remoto na kapwa miyembro ng PNP Pagadian bomb squad; Ibrahim Abesamis at isang hindi pa matukoy ang pangalan.
Samantala, ang mga malubhang nasugatang pulis ay nakilalang sina P/Chief Insp. Dionecio Perdiguez, Pagadian PNP commander; Pagadian PNP deputy commander P/Sr. Insp. Junie Sagun; SPO4 Lily Palmero; PO3 Bienvenido Legaspi, PO1 Arthur Balatan.
Ang mga sibilyan naman ay sina Romeo Estara, Michael Denver, Acub Mohammad, Teodolo Solas, Leo Anasco, Jerosin Rasete, Moteami Tambos, Guillar Tambos at isang matandang babae na hindi nabatid ang pangalan.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, ang pagsabog ay naganap dakong alas-7:50 ng umaga kahapon sa compound ng Cerilles bus terminal malapit sa Downtown Public Market sa Pagadian City sa kahabaan ng Benigno Aquino Avenue.
Bago maganap ang malakas na pagsabog, nakatanggap ang Pagadian City Police ng isang bomb threat dakong alas7:30 ng umaga mula sa hindi nagpakilalang caller na nagsabing isang bomba ang sasabog anumang oras sa nasabing bus terminal.
Kaagad na rumesponde ang pulisya kabilang sina Corator at Remoto at nakadiskubre ng isang kahong may lamang bagay na nakabalot sa mga metal wire na may nakadikit na maliit na relo.
Agad na dinala ng mga miyembro ng bomb squad ang kahon ilang metro ang layo sa terminal at tinangkang i-diffuse ang nasabing bomba. Ngunit ilang segundo lamang ang nakakaraan, bigla itong sumabog na naging sanhi ng kaguluhan sa nasabing lugar.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo at kung sinu-sino ang may kinalaman sa pagsabog. Inaalam din ng mga ito kung may kinalaman sa awayan sa negosyo o extortion ang pambobomba. (Ulat ni Joy Cantos)