2 holdaper patay sa barilan

Dalawang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang na tumangay ng halagang P8 milyon sa armored vehicle ng Landbank ang napatay sa pakikipag-engkuwentro sa mga operatiba ng pulisya habang isa pa ang nadakip sa Kiangan, Ifugao, ayon sa ulat ng pulisya, kahapon.

Sa ulat na ipinarating kahapon ng Ifugao Provincial Police Office sa Camp Crame, kinilala ang mga napaslang na suspek na sina Pilotin Canato at Noel Caliong.

Ang naarestong kasamahan ng mga ito ay nakilala namang si Bryan Baliongan.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, hinoldap ng mga suspek ang behikulo ng Landbank sa Solano Branch bandang 11:30 ng umaga sa Sitio Hucab, Kaingan, Ifugao.

Nasamsam sa operasyon ang isang Armscor SG model na may limang round ng bala, Eliseo M16 rifle na may tatlong mahabang magazine na puno ng bala, Colt M16 rifle, M14 rifle, pantalong US camouflage, P2 milyong cash atbp. personal na kagamitan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments