13-anyos tiklo sa pamamaril sa pulis

Dinakip ng mga awtoridad ang isang 1st year high school student matapos na iturong kabilang sa grupo ng mga kabataang lalaking mag-aaral na namaril sa isang pulis na napagtripan ng mga ito sa Mapun, Tawi-Tawi, ayon sa ulat kahapon.

Umiiyak pa nang damputin ng pulisya ang suspek na itinago sa pangalang Akbar, 13, 1st year sa Tawi-Tawi High School na tila wala pang kamalayan sa kasong nagawa nito at ng kaniyang barkada.

Kasalukuyan pang nakikipaglaban kay kamatayan ang biktimang kinilalang si SPO1 Nurussin Husin Muksin, miyembro ng Mapun Police Station (MPS) sa nasabing lalawigan.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, dakong alas-9:00 ng umaga nang pagbabarilin ng grupo ng mga kabataang lalaki na kinabibilangan ng suspek ang biktima matapos na maispatan ito sa Brgy. Irok-Irok sa bayan ng Mapun.

Kasalukuyang lulan ang biktima ng kaniyang service motorcycle habang bumabaybay sa nasabing lugar nang mapagtripan ng barkada na barilin na pinagpustahan pa ng mga ito na pinakamahusay sa baril ang unang makakatama sa biktima.

Sa kasalukuyan, inaalam pa kung sino ang may-ari ng baril na ginamit at kung nasa impluwensiya ng droga ang nasabing estudyante. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments