Sinabi ni Army Major Julieto Ando, nagpadala ang militar ng isang batalyon ng sundalo sa nabanggit na lugar noong nakaraang Sabado upang mamagitan sa nagsasagupaang dalawang angkan ng Muslim subalit nakasagupa nito ang isang grupo ng armadong Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaya napilitan na ring gumanti ang tropa ng pamahalaan.
Kaagad namang nasawi ang may 15 MILF rebels habang dalawa sa tropa ng sundalo ang malubhang nasugatan makaraang magpadala ng helicopter gunships ang militar laban sa 80 rebeldeng pumasok sa naturang lugar noong Linggo.
Kinumpirma naman ni MILF spokeman Eid Kabalu na pinasok ng rebeldeng MILF ang nabanggit na sitio at nakasagupa ang tropa ng militar subalit walang ibinigay na napatay sa kanilang panig.
"Umaabot naman sa 80 pamilya ang nagsilikas upang hindi maipit sa sagupaan," pahayag pa ni Ando sa mga mamahayag.
Kinondena naman ni Kabalu ang pagsalakay ng tropa ng militar at nanawagan na igalang ang kasalukuyang tigil-putukan.
Isa sa angkan ay may kamag-anak mula sa MILF habang ang kabilang angkan naman ay mula sa Moro National Liberation Front (MNLF). (Ulat ni Joy Cantos)