Puwersa ng NPA rebels lumalakas sa Masbate

KAMPO SIMEON OLA — Lalong lumalakas ang puwersa ng mga rebeldeng New People’s Army sa lalawigan ng Masbate dahil sa ultimo mga empleyado ng gobyerno, maliliit na negosyante at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay hinihingan ng revolutionary tax upang ipantustos sa kanilang kilusan.

Sinabi ni Major Jose Broso, group commander ng Civil Relation Group sa Bicol na ang paglakas ng puwersa ng mga rebeldeng NPA ay dahil na rin sa kakulangan ng bilang ng pulisya at militar na nakabase sa nabanggit na lalawigan.

Napag-alaman pa sa intelligence report ng pulisya at militar na ang nalilikom na buwis ng mga rebelde ay mula sa mga negosyante, magsasaka, mangingisda, politiko, lokal na opisyal at manggagawa ay ginagamit upang makapag-recruit ng bagong miyembro at makabili ng mga armas.

Sa mga dokumentong nakalap ng pulisya, ang proyekto ng irigasyon sa Brgy. Buracan sa Dimasalang ay hindi natapos dahil iniwan na lamang ng contractor dahil sa hinihingi ng mga rebelde na 20 porsiyento sa kikitain nito na mula sa lokal na pamahalaan.

Inihalimbawa ng pulisya na ang isang barangay opisyal ay sapilitang nagbibigay ng P100 kada ikatlong buwan na katulad sa mga pampublikong guro.

May teorya din ang pulisya na nagbibigay din sa mga rebelde ang ilang may puwesto sa lokal na pamahalaan, katulad ng armas, paggamit ng sasakyan, safehouses, pagkain at iba pang pangangailangan ng kilusang rebelde. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments