Magsasaka nakuryente

CALUMPIT, Bulacan — Dahil sa kagustuhan ng isang magsasaka na mabigyan ng masarap na ulam ang kanyang pamilya ay nanghuli ito ng isda sa pamamagitan ng kuryente subalit sinamang-palad na makuryente at namatay habang nakatapak sa matubig at maputik na palayan sa Brgy. Gugo ng bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Chief Insp. Moli Pacheco, hepe ng pulisya sa bayang ito ang biktimang si Jessie Vasquez, 37, may asawa ng nabanggit na lugar.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-4:30 ng madaling-araw na nagpaalam sa kanyang asawa upang manghuli ng isda sa naturang palayan.

Ayon pa sa nakalap na impormasyon ng pulisya, ang biktima ay may dalang mahabang kawayan na may nakapulupot na kawad ng kuryente na pinaniniwalaang gagamitin sa pangingisda sa palayan.

Natagpuan na lamang ng ilang residente na napadako sa naturang lugar na ang biktima ay patay na. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments