Kinilala ang mga biktima na sina Rachelle Laus Ayala, 30, negosyante, residente ng Corinthians Garden, Quezon City; Rosa Ramirez, may-ari ng recruitment agency na nagpapadala ng mga aplikante sa Italy, residente ng San Juan, Metro Manila at si Myrna Galang ng Nueva Ecija, isang aplikante ni Ramirez.
Batay sa report na ipinarating kahapon ni Sr. Supt. Reynaldo Berroya, Director ng Police Regional Office (PRO) 3 sa Camp Crame, ang mga biktima ay kinidnap ng mga suspek dakong alas-9 ng umaga sa gawi ng Arayat, Pampanga habang ang mga ito ay lulan ng kanilang behikulo patungo sa Angeles City.
Sa inisyal na imbestigasyon, kasalukuyang sakay ang mga biktima ng isang kulay maroon Mitsubishi Adventure na may plakang WCL-131 na minamaneho ni Ayala ng harangin ang mga ito ng isang kulay puting Honda Civic at kulay abong L-300 van.
Sinamantala umano ng mga suspek ang pagkaipit ng behikulo nina Ayala dahil sa traffic at puwersahang buksan ng mga ito ang sasakyan at tutukan ng baril ang mga biktima.
Dakong alas-10 ng umaga habang hinihintay ni Noemi Ancheta, sales counselor ng Philamlife sina Ayala at dalawa nitong kasama sa Nepo Mart, Angeles City ng makatanggap ito ng tawag sa telepono mula kay Galang.
Ipinabatid ni Galang kay Ancheta na kinidnap sila ng sampung armadong kalalakihan at nagawa lang umano nitong palihim na makatawag sa itinago niyang cellular phone ni Ayala. Gayunman, naputol ang nasabing pag-uusap.
Nakumpirma lang ang nangyaring pagdukot sa mga biktima ng isang nagpakilalang Benjo Naval na kabilang sa mga kidnapers ang tumawag rin kay Ancheta matapos maagaw ang cellular kay Galang at humihingi ng P10M ransom kapalit ng kalayaan ng mga biktima. (Ulat ni Joy Cantos)