Love triangle: Dalaga tinaga ng karibal

Nasa kritikal na kondisyon ang isang 16-anyos na dalaga matapos na ito ay pagtatagain ng mahigpit nitong karibal sa pinag-aagawang palikerong boyfriend sa Iloilo City.

Ang biktima ay nakilalang si Jonalyn Guigera, estudyante at patuloy na nilalapatan ng lunas ng mga manggagamot ng Iloilo Doctors Hospital dahil sa mga tinamong malalalim na taga sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Nakilala naman ang suspek na si Hazel Hebrero, 18, kapit-bahay ng biktima na nagawa ang krimen dahil sa matinding selos sa biktima na umano ay kaagaw nito sa kanyang boyfriend.

Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, dakong alas-5 ng hapon ng maganap ang insidente sa Bgy. Aganan, Pavia ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong naglalakad sa nasabing lugar ang biktima nang bigla na lamang itong sugurin ng taga ng suspek na may dalang itak.

Sunod-sunod na taga ang inabot ng biktima at dahil sa maagap na pagdalo ng ilang kapit-bahay ay naawat ang suspek.

Sa imbestigasyon ay agawan sa palikerong boyfriend sa pagitan ng dalawang dalaga ang motibo ng kaso.

Ang suspek ay nakapiit ngayon at inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban dito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments