Kinilala ang dalawang naarestong ASG na sina Ibrahim Bowak at Muddas Sabinul.
Batay sa ulat na natanggap kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, ang mga suspek na nasakote matapos magbigay ng impormasyon ng isang asset ng militar na nakatakda nang pumuslit anumang oras sa nasabing lugar upang umiwas sa massive strike operations sa lalawigan.
Napag-alaman na bandang alas-7:00 ng gabi nang magpanggap na sibilyan ang mga suspek upang lumusot sa kordon ng militar nang masabat ng mga nagbabantay na sundalo sa isang checkpoint sa Sitio Baguiniao, Brgy. Balobo, Lamitan, Basilan.
Ang mga suspek ay nagtakip pa sa kanilang mukha ng turong (pambalabal ng Muslim) upang di sila makilala subalit naging maagap ang mga tauhan ng Charlie Company ng 18th Infantry Battalion ng Phil. Army.
Apat sa mga witnesses na hawak ng militar ang positibong nagturo sa mga suspek na siyang namugot sa ilang mahihirap na hostages na karamihan ay mga kalalakihan matapos salakayin ng pamayanan ng mga Kristiyano sa Brgy. Balobo sa bayan ng Lamitan noong gabi ng Agosto 1 ng taong ito. (Ulat ni Joy Cantos)