Nawawalang 900 kilong shabu sisiyasatin ng Napolco

Nakatakdang imbestigahan ng National Police Commission (Napolcom) ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) Region IV hinggil sa umano’y misteryosong pagkawala ng 900 kilo na shabu na nasamsam sa isang laboratoryo sa Lipa City sa Batangas noong buwan ng Abril, 2001.

Sa natanggap na ulat ng Napolcom, sinampahan ng kasong drug trafficking ang suspek na si Benjamin Marcelo ng pinagsanib na puwersa ng Phil. National Police, Narcotics Group (PNP-Narcom), Batangas Provincial Headquarters, Crime Laboratory Region 4 at Criminal Investigation Division (PNP-CIDG) sa Lipa City Regional Trial Court (RTC), Branch 12.

Nabatid na tinatayang 53.55 kilo ng shabu ang isinampa sa nasabing sala sa halip na 1,000 kilo.

Ngunit sa naging ulat ng Department of Interior and Local Government (DILG) at PNP sa mga mamamahayag noong Abril 28, 2001, umaabot sa 1,000 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2 bilyon ang nasamsam ng nabanggit na mga operatiba matapos salakayin ang isang laboratoryo sa nabanggit na lalawigan. Kung kaya’t nakatakdang imbestigahan ng Napolcom ang misteryosong pagkawala ng may 900 kilo na shabu.

Matatandaan na si Marcelo ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Narcotics at Intelligence Group ng PNP IV sa isang shabu laboratory sa Lipa City, Batangas noong Abril 28. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments