Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Charlie Quidato, dating Masbate Provincial Jail Warden; Alex Altera at Alberto Choy na kapwa bilanggo ng nabanggit na kulungan na may mga kasong rape at murder.
Samantala, ang ika-4 na suspek sa Espinosa slay na si Isagani Quidato, 29, ng Brgy. San Ramon Uson at isang jailguard sa Masbate provincial jail ay isinuko ng kanyang kapatid na si Uson Vice Mayor Arnel Quidato kasama sina Rod Rodriguez, emisaryo ni Masbate Governor Antonio Kho at OIC Provincial Warden Alejandro Parcon kay OIC Masbate PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Antonio Enteria, Jr. at namumuno sa Task Force Espinosa bandang alas-3 ng hapon.
Si Isagani ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong rape noong Oktubre 30, 1999 na ipinalabas ni Judge Jacinto Tambago ng Masbate RTC Branch 44.
Masusi namang sinisiyasat ng mga awtoridad ang pamunuan ng nabanggit na kulungan dahil sina Altera at Choy ay kapwa nasa labas ng bilangguan ng walang anumang papeles mula sa korte na nag-atas na palabasin.
Napag-alaman kay P/Supt. Francisco Uyami, Jr., lider ng 5PRMG na ang isinagawang biglaang pagsalakay ay naganap dakong ala-1 ng hapon sa cockfarm ni Charlie Quidato sa nabanggit na lugar.
Nasamsam sa mga suspek ang malalakas na kalibre ng baril katulad ng M-16 armalite rifle, shotgun, ibat ibang uri ng baril at hindi mabatid na bilang ng bala.
Magugunitang si Mayor Espinosa, Jr ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga suspek habang dumadalo sa benefit dance sa piyesta ng Brgy. Bantigue sa Masbate City noong Agosto 9 ng madaling araw. (Ulat ni Ed Casulla)