Governor, 3 mayor kinasuhan

Inirekomenda kahapon ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong katiwalian laban sa isang gobernador at tatlong alkalde ng magkakaibang lalawigan.

Sa isinagawang preliminary investigation ng Ombudsman, sina Misamis Oriental Governor Antonio P. Calingin at Acting Provincial Personnel Jusie C. Roxas ay lumabag sa anti-graft and corruption makaraang suspendihin ng limang araw sa puwesto si Dr. Noel F. Adaza ng Claveria sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Samantala, sinampahan din ng kasong katiwalian sina Imus, Cavite Mayor Oscar Jaro, Peñaranda, Nueva Ecija Mayor Julio Legaspi; mga pulis na sina Gil Lacuna; Dominador Gomez, Lucio Merado; Tayug, Pangasinan Mayor Marius Y. Ladio at Municipal Treasurer Virgilio C. Arquero at David Agarpao.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Ombudsman, na si Jaro ay pumasok sa isang kontrata na may kaugnayan sa pagbili ng lupaing may sukat na 23, 633 square meters sa Imus, Cavite kahit walang inaaprubahang resolution ang Sangguniang Bayan ng nabanggit na bayan.

Bukod sa pinasok na kontrata ay nag-isyu ng tseke si Jaro ng halagang P8, 980, 540 sa mag-asawang Alfredo at Lucy Saqui na umano’y may-ari ng nabanggit na lupain subalit lumalabas sa imbestigasyon na ang tunay na may-ari ay si Lamberto Sanchez.

Kasabay nito, ipinag-utos din ng Ombudsman na isailalim sa paglilitis si Legaspi kasama ang tatlong pulis dahil sa nagsabwatan umano ang mga ito upang mailigtas sa prosecution si Lourdes de Leon sa paglabag sa Anti-Electricity Pilferage Act of 1994. (RA7832).

Ipinag-utos din ng Ombudsman na kasuhan sina Ladio, Arquero at Agarpao dahil sa paglabag sa RA 8291 o hindi pagsusumite ng buwanang premium sa GSIS ng mga empleyado at opisyal ng nabanggit na bayan simula pa noong Nobyembre-Disyembre 1999 at Enero-Agosto, 2000. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments