Ang pahayag ay ginawa ng Napolcom matapos na makatanggap ng impormasyon na palihim na ginawa ang pagsunog ng droga noong Nobyembre 5, 1999.
Kasabay nito, mahigpit na nagbabala si Napolcom Vice-Chairman at Executive Officer Rogelio Pureza na papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang sangkot sa katiwaliang ito.
Ang anomalya ay unang isiniwalat ni dating Pangasinan Vice Governor Gonzalo Duque na malaki ang kanyang paniniwala na walang nangyaring pagsunog ng droga at sa halip ay ini-recycle ito at muling ibinenta.
Idinagdag pa ni Duque na ang pinagkakitaan sa pagbebenta ng nakumpiskang droga na pinaniniwalaang mula sa China ay ginamit bilang campaign funds ng isang kilalang kandidato sa lalawigan.
Mas lalong pinagdudahan ang sinasabing shabu burning na ito matapos na kuwestiyunin ni Duque ang kabiguan ng pulisya na mag-imbita ng sinumang lokal na opisyal para saksihan ang pagsunog.
Maging si Pangasinan PNP Provincial Director Leopoldo Bataoil ay nagsabing kailan lamang niya nalaman ang tungkol sa pagkakakumpiska sa droga gayundin ang pagsunog dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)