Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, nabatid na ang insidente ay may kinalaman sa pagtanggi ni Engr. Julito Roden na magbayad ng revolutionary tax sa grupo ng mga rebeldeng komunista na nangingikil sa opisina nito.
Dakong ala-1:15 ng hapon nang bigla na lamang sumulpot ang mga armadong rebelde sa compound ng tanggapan na pag-aari ni Roden at hinahanap ang nasabing inhinyero.
Agad na pinalibutan umano ng mga rebelde ang naturang compound na matatagpuan sa Brgy. Sta. Rita, Asturias, Cebu.
Nang di makita ang kanilang pakay ay inumpisahan na ng mga rebelde ang pagsunog sa dalawang dumptrucks at isang payloader sa pamamagitan ng pagbuhos ng gasolina.
Wala umanong nagawa ang mga empleyado ni Roden sa takot sa mga armadong rebelde matapos silang tutukan ng baril.
Bago tuluyang lumisan ay sinabi ng mga rebelde na ang kanilang isinagawang panununog ay bilang ganti sa patuloy na pagmamatigas ni Roden na magbayad ng revolutionary tax sa kanilang kilusan. Nagbanta pa ang mga ito na muling babalik at hindi sila titigil sa pananabotahe hanggat walang revolutionary tax na nakakarating sa kanilang grupo mula kay Roden. (Ulat ni Joy Cantos)