Sundalo, totoy napatay ng NPA rebels

RAGAY, Camarines Sur – Isang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasawi makaraang ratratin ng mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang 5-anyos na batang lalaki na kasalukuyang natutulog sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Barangay Baya ng bayang ito.

Ang mga biktima na ngayon ay pinaglalamayan ay nakilalang sina Sgt. Charlie Bitancor, 44, may asawa ng 16th Infantry Battalion na nakabase sa Mindoro Oriental at Fermison Saberiano na kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Napag-alaman na si Bitancor ay nakikipag-inuman ng alak kasama ang magkapatid na Fernando at Roberto Mirabueno at kaibigang si Pio Misal nang biglang sumulpot sa kanilang harapan ang mga rebelde bandang alas-10 ng gabi.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya na pinuntirya lamang ang biktima subalit mabilis namang nakapagtago ang mga kasamahan nito.

Sinawing-palad namang tamaan ng ligaw na bala ng baril mula sa mga rebelde ang batang lalaki na kasalukuyang natutulog sa kanilang bahay. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments