Mga pampasabog ng Sayyaf nasabat

ZAMBOANGA CITY – Tinatayang aabot sa 2,900 kilo ng ammonium nitrates at 2,000 pirasong blasting caps na ginagamit sa pampasabog ng mga bandidong Abu Sayyaf kapag ito ay nagsasagawa ng terorismo, ang nakumpiska ng tropa ng militar sa bahay ng isang taga-suporta ng mga nabanggit na bandido sa Barangay Busbus, Lambayong, Jolo, Sulu, kamakalawa ng umaga.

Nabatid sa ulat ng Southern Command, nakumpsika ang mga kemiko sa bahay na pag-aari ni Jaiyanan Hahiron na malapit na kamag-anak ni Sayyaf Kumander Radullan Sahiron ng Indanan, Sulu.

Dakong alas-10:40 ng umaga ng magsagawa ng biglaang pagsalakay sa bahay ni Sahiron ang mga tauhan ni Southern Command Deputy Commander Army Col. Francisco Gudani.

Kasalukuyang nasa Camp Teodolfo Bautista sa Busbus, Jolo, Sulu ang mga pampasabog habang si Sahiron naman ay dinala na sa 4th Infantry Battalion, Tabak Division upang isailalim sa tactical interrogation. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments