Pulis nilikida ng NPA sa sabungan

JOSE PANGANIBAN, Camarines Norte – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang kagawad ng pulisya ng mga myembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay nagsasabong kamakalawa ng hapon sa Jose Panganiban Cockpit Arena sa Barangay Motherlaude ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si SPO2 Jose Pablo, 54 ng Barangay Plaridel at nakatalaga sa Jose Panganiban police station.

Nabatid sa ulat mula sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr., Camarines Norte Provincial Headquarters, naganap ang pangyayari bandang 2:30 ng hapon habang ang biktima ay nasa loob ng nabanggit na sabungan at naka-sibilyang suot lamang.

Hindi namalayan ng biktima nang lapitan siya ng apat na NPA rebels at paputukan sa likurang bahagi ng kanyang katawan partikular na sa batok.

Napag-alaman naman kay Governor Jesus Typoco Jr., na umaabot na sa 20 hanggang 30 miyembrong Sparrow Unit ng NPA rebels na nasa ilalim ng pagsubok ang kasalukuyang nakakalat sa nabanggit na lalawigan.

Magugunitang noong nakaraang July 14 ng gabi, napatay ng mga rebelde si SPO4 Ireneo Abiera, Jr. habang nakasakay sa kanyang owner type jeep sa pamilihang bayan ng Capalonga. (Ulat nina Francis Elevado at Ed Casulla)

Show comments