Ang mga suspek na itinago sa mga pangalang Joey, 15; Michael, 15; at Jose, 11, ay positibong itinuro ng ilang mga nakasaksi sa mga ito habang papalabas mula sa pinagnakawang paaralan.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong 5:45 ng umaga nang pasukin ng mga suspek ang East Central School sa Brgy. Sto. Niño, Hagonoy, Bulacan, kamakailan.
Ayon sa imbestigasyon, winasak ng mga suspek ang steel window ng paaralan at dito sila dumaan.
Tinataya namang aabot sa halagang P30,000 ang nakulimbat ng mga suspek na kinabibilangan ng isang Nokia 3310 cellphone, tatlong Panasonic cassettes, isang Aiwa tape recorder, isang Casio calculator, isang VHS player at P11,000 cash. Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Hagonoy Municipal Police Station (MPS) at nadakip ang tatlong suspek pagkaraan ng ilang araw na pagtatago. Gayunman, inamin ng mga ito ang kanilang ginawang pagnanakaw sa eskuwelahan subalit hindi na nabawi ang kanilang nakulimbat. (Ulat ni Joy Cantos)